Sa tuwing sasapit ang araw ng pahinga, pangkaraniwan na ba sa lugar ninyo ang mga tanawing tulad nito?

  • Nakakagising na tunog ng nangangalawang gate ng kapitbahay na dahan-dahang bumubukas dahil nilalabas na nila ang kanilang sasakyan para sa kanilang lingguhang galaang mag-anak. Masaya sanang isipin na nagigising ako dahil kasama ako sa byahe nila pero hindi e. Hudyat na rin siguro ito para sa amin na bumangon na kahit ngayon pa lang din kami bumabawi sa puyat mula sa nagdaang linggo. 
“Pakiramdam ko, kasama rin ako sa kanila. Naalimpungatan lang. ”
  • Walang tigil ang pagkahol ng mga aso na hawak-hawak ng may-ari nito kapag may mga pangkat din ng mga aso silang nakakasalubong. Ito kaya marahil ang batian nila o baka naman nakikipagtunggali sila kung sino sa pangkat nila ang mas malakas ang pagkahol. Nang makita ko ang mga kapitbahay namin na lumalabas ng kani-kanilang pintuan at gate dahil sa nakakabahalang ingay na nanggagaling sa kanila, alam ko na, na pareho silang nagwagi. Nagwagi sa paggising ng buong mga kabahayan sa aming kalye. 
  • Nakakahumaling na amoy ng bagong hango sa hurno na pandesal na handa na para sa mga maaga ring nakapilang mamimili. May isa sa kanila na nasa unahang pila na mukhang isandaang piraso ang binili. Hindi na rin nya alintana ang mga tao sa likuran nya na panay ang kamot sa ulo’t nakapamewang nang nakatingin sa kanya. “Binili na nya lahat! Hindi man lang nagtira!”, pagalit na bulong ng isa sa taong nasa likuran nya. “Sana hindi mabilaukan yan sa pag-ubos ng ganyang karaming pandesal ngayong umaga”, nakangising sagot naman ng isa. Mukhang matagal-tagal pa silang nakatayo’t nakapila habang naghihintay ng panibagong bungkos ng bagong-lutong pandesal mula sa tindera. 
“Pandesal sa umaga!” Pinagmulan: https://www.hometiculous.com/easy-soft-pandesal-recipe/
  • “Magkano po ang dinuguan at puto ninyo? Pakisama na rin po itong goto na may tokwa’t baboy.”, utos ng isang buena manong mamimili sa karinderia na nagbubukas ng alas-singko ng umaga kahit na sa mga araw ng pahinga. Sa panahong mahalaga na ang bawat pisong lumalabas sa bulsa ng mga tao, nakakatuwang makita na ang tinderang ito ay malugod pang nagpasobra sa kanyang kauna-unahang tagapamiling hindi maitago ang pagka-inip. 
  • Tawanan at asaran ng mag-asawang nabibilang mo na lang ang mga itim na hibla na kanilang mga buhok. Higit na kapansin-pansin ang mga kulay pilak na hibla sa kanilang mga ulo. Mula sa kanilang malakas na paghalakhak at pagkakulubot ng kanilang mga pisngi, hindi mo rin maiwasang hindi humanga sa tamis ng kanilang samahan kahit ngayon na may edad na sila. “Mauunahan na kita!”,panunukso ng isa. “Nandadaya ka naman kasi e.”, tugon naman ng isa. Masigasig silang naglakad nang matulin palibot sa paaralan na malapit sa amin.
Magpapakabog ka ba, Bruh?
  • Tawanan ng magkakilalang nagbatian at nagsimula na ring makipagkwentuhan na para bang ngayon lang sila nagkita kahit na magkalapit-bahay na at magkaibigan rin naman sa kani-kanilang social media. Sabi pa nung isa na halos umabot hanggang kilay ang mga ngiti, “Nakita ko yung pinost mo. Parang hindi ka Lola dun!”. Napasagot tuloy yung isa, “Mare, 42 taong gulang pa lang ako. Batang-bata pa ako para maging Lola. Ikaw naman, ganyan lang talaga ang itsura ko kapag bagong gising. Hindi ko na pinapaganda pa. Diretso post ko na. Ikaw kasi, niluluto mo ang mukha mo sa make-up na walang tanggal-tanggal mula sa pagtulog hanggang sa pagkagising. Dapat tinatanggal mo yan, Mare. Baka bumilis ang pagka-agnas ng mukha mo nyan.” Sabay tawa nang malakas ng kausap nya at hindi papayag na walang isasagot dito. “Mars, hindi pa naman ako nakabaon sa ilalim ng lupa. Walang maagnas. Malambot pa rin naman ang mukha ko.”, sabay hampas sa balikat ng kausap nya na sa sobrang lakas e pwede nang tumilapon ng ilang metro mula sa dati nilang kinatatayuan. Minsan tuloy napapaisip ako kung lambingan ba nila ang mag-5usap nang ganito. Masidhi at walang pakundangan ang pagtapon ng mga salita sa bawat isa na parang kailangan namin ni Jhois manatili sa pwesto nila at baka magkapikunan at magkalmutan ng kanilang kinapipitagang mukhang may taglay daw na ganda. Sumulyap ulit ako para tantyahin ito, pero mukha naman silang nasisiyahan pareho. May mga bagay pa rin akong hindi lubos maintindihan.
  • Walang humpay ang pagwawalis ng isang ina sa kanilang bakuran. Makikita mong gigil na gigil ito sa mga tuyong dahon na winawalis nya na pati semento na kalapit nito ay unti-unti na ring nadudurog at gumuguho. Dahil malikot ang aking imahinasyon, hindi ko maiwasang isipin na maaaring mukha ng kanyang kabiyak o asawa ang nakikita nya sa sementong winawalisan nya nang marahas. Biglang may nahulog na tuyong dahon sa aking ulo mula sa kanilang puno. Hindi ko alam kung bakit pero dali-dali kong kinuha ang tuyong dahon na yun at ibinulsa na lang. Itatapon ko yun sa pinakamalapit na basurahan na makikita ko sa aming daraanan. Siguro, tumatakbo nang mabilis ang aking isip na sa segundong makita nya ang tuyong dahon sa ulo ko, panggigigilan din nya ito katulad ng mapwersa nyang paggamit ng walis na kahit mukhang bagong-bili ay nakabaluktot na nang husto. 

Tuwing sasapit ang Sabado’t Linggo, nakaugalian na nami ni Jhois ang maglakad-lakad sa umaga. Ito na ang kadalasang nakikita namin sa paglalakad. Mas gusto ko makita ang mga tao sa lugar namin tulad nito. Hindi man sila mukhang pulido katulad ng madalas nating makita sa internet na pusturang-pustura ang kanilang ayos, masaya ako na matunghayan ang kanilang mundo kahit isang saglit lang. 

Pinagmulan: http://www.onevalenzuela.com/2016/02/towards-being-healthy-valenzuelanos.html
(para lamang sa dagdag na biswal na karanasan ng mga mambabasa)

May mga nakakahiligan din akong mga tagpo na bago kami makabalik sa aming bahay e mayroon parating pagkakataon na makakausap ko o makikita ko sila. Tulad na nga lang ng mga samahan ng mga Nanay pati na rin Lola na panay na panay ang pag-indak sa kanilang Zumba, umulan man at umaraw. Nasisiyahan akong makita sila kasi naging dalawa na ang kanilang pangkat. Kapag nagsasayawan na sila, parang may nangyayaring paligsahan sa isang grupo laban sa kabila batay sa dami ng kanilang naisali, ganda ng kanilang tugtog at galing nila sa pagkembot. Minsan pati mga nanunuod na mangtataho, mangbubuko at mga naglalako ng mga kakanin e hindi rin napipigilang sumigaw bilang pagsuporta sa mga taong hindi rin naman nila kakilala pero alam nilang ibinibigay nila ang kanilang pinakamahusay na pagganap. Minsan pati ang mga nagtuturo ng sayaw ay nagkakalokohan na ring masama sa nangyayaring paligsahan ng dalawang kampo. May mga pagkakataon na dumarating ang kanilang mga parokyano sa Zumba na may partikular na kulay ng damit, kahit wala naman silang nabanggit sa huli nilang pagkikita. Sila-sila na lang din ang mga nag-usap. Minsan pati mga Tatay napapasali na rin para lang mas dumami ang kanilang pangkat. Hindi ko alam kung matatakot ako o tatawa nang malakas kapag nakikita ko ang kani-kanilang Misis na masama ang tingin sa tuwing hindi umiindak ang kanilang mga Mister nang naaayon sa antas na husay na gusto nila. Para sa akin, bigay-todo na ang kanilang mga Mister na umiindayog sa tugtog ng “Shake, body-body dancer!”, isang 80’s na tugtugin na alam naman nating lahat na mas angkop sayawin ng mga kababaihan. Pero wala silang magawa kung hindi sumunod sa hilig ng kanilang mga Misis. Pero mas paborito ko yung nangyayari pagkatapos nilang mag-Zumba. Nawawala ang pagkakahati ng dalawang grupo at sabay-sabay silang pupunta sa karinderia upang kumain ng agahan. Maririnig mo ang kanilang tuksuhan na may kasamahan sila na naghanda na ng Alaxan at pamahid na ointment sa kanyang mga kasaping nananakit ang braso o bewang dahil sa nasobrahan sa pag-indak. Kasabay ng paghawi nila sa palaruan, makikita mo ang laki ng espasyo na nabakante nila ay sya namang dating ng mga Lolo na may mga dalang chessboards na handa nang makipagtagisan din ng talino sa kani-kanilang pulutong. Minsan pa nga, may Lolo akong napansin na hawak-hawak pa sa kabilang kamay ang tasa ng kanyang kape at ganado nang simulan ang laban. May isang beses na nahuli ako ng isa sa kanila na nakatingin. “Iha, gusto mo bang sumali sa amin?”, tinanong nya ako. Mabilis akong sumagot nang, “Ay, hindi po. Napadaan lang po ako. Paalis na din kami mamaya.” Sa tingin ko, nabasa nya sa mga mata ko kung gaano ako natutuwa na makita silang aliw na aliw sa kanilang simpleng pinagkakaabalahan. 


Mga Nakagawian na ng mga Pinoy sa Modernong Panahon

Nakakahiligan din naming daanan sa paglalakad ang isang makulit na batang lalaki na hindi na makapaghintay pumasok sa paaralan. Kahit naglalaba ang kanyang nanay, kinukulit nya ito nang kinukulit. Kada linya ng ginuguhit nito, lagi nyang pinapakita sa kanyang ina nang may pagmamalaki, na para bang kaya na nyang isulat ang kanyang pangngalan kahit ang totoo ay mga hindi mawaring linya sa iba’t-ibang kanto ng kanyang papel ang ginawa nito. Mapapansin mo rin ang saya ng kanyang ina na hindi ramdam ang pagod sa kanyang paglalaba.

Kapag napapadaan din kami sa aming paboritong kainan, natutuwa din ako na naaalala nila hindi lang ang mga pangngalan namin kundi ang parati naming binibiling ulam. “Dumaan kayo ulit dito bago mag-alas nwebe. Bagong luto yung sinigang ko sa tyan ng salmon. Mas masarap yun keysa sa sinigang na tuna panga. Marami akong ilalagay na gulay dun. Balikan nyo ako. Mayroon din akong everlasting at ginataang bilo-bilo mamaya. Naku, mabilis maubos ang mga yun. Daan kayo ulit sa akin.” Masaya ako sa mainit nilang pagtanggap. May isa pang kainan na malapit sa amin ang madalas na nagpapaalala na, “Mabenta ngayon ang sisig namin. Alas-onse pa ang bukas namin kaya daan kayo ulit.” 

“Kain kayo dito sa amin!”
“Daan kayo ulit!”

Nakakahiligan din naming daanan yung kapitbahay namin na may matandang aso. Mayroon syang Lolo na parati na lang syang pinapagalitan na iligaw na lang daw ang aso nya dahil matanda na daw ito at hindi na nya magagawa ang mga bagay tulad ng dati. Dahil may aso rin kami, hindi ko rin mapigilang hindi sumagot. “Okay lang po yun Lolo. Walang problema dun.” Napapaisip ako kung ang pinag-uusapan ba namin ay ang matandang aso o sya na Lolo na. Kadalasan, tahimik lang yung apo nya na nag-aalaga sa kanilang matandang aso. Hindi umiimik. Hindi sumasagot. Ngunit, may isang beses na natuwa ako nang sa wakas e sumagot na ito, “Matanda na o hindi, mahal pa rin natin yan. Walang magbabago, Lolo. Pamilya yan eh. Andito lang tayo parati.” Nang mga sumunod na linggo na pagdaan namin, hindi na nya pinapagalitan ang apo nya at ang alagang aso nito na may katandaan na. 

Bago kami makabalik sa bahay namin, may mga bata kaming nakakasalubong na ginaganahan nang magkipaglaro pero hindi nila nakakalimutang tanungin sina Maple at Zoey. “Kailan nyo po sila papalabasin?”, tanong nung isa. “Mamaya sigurong hapon”, sagot ni Jhois. Pupusta ako sa inyo na mas kilala nila ang pangngalan ng mga aso namin keysa sa amin, pero ayos lang. Nakakatuwa lang isipin na hinahanap nila’t inaabangang makita ang mga aso namin. Siguro sa mga bata sa lugar namin, hindi na uso ang simpleng laro katulad ng nakagisnan namin ni Jhois paglaki. Habang papasok ako ng gate, naririnig ko ang isa sa kanila na nagsasabing, “Ako yung director dito. Sumunod kayo sa akin. O, ikaw si Cardo Dalisay. Ikaw naman yung kaibigan nya. Tapos, ikaw dito ka muna. Wala pa akong maisip para sayo.” Mukhang naging detalyado na ang role playing o dula-dulaan ng mga bata ngayon. Sa naaalala ko, nung bata pa ako bahay-bahayan lang ang nauuso. May isang beses nga lang na nagsalita na ako noon dahil sa pagka-umay at pagkabagot sa paglalaro nun. Nagmungkahi na lang ako na maglaro na lang kami ng Batang X dahil gusto kong gumanap na si Trina. 

Pinagmulan: Philippine Star

Masayang maglakad-lakad tuwing umaga sa maliit naming komunidad. Sari-saring mga tao ang madadaanan mo. Kinukumpleto nila ang linggo namin. Sa tingin ko, isa rin sila sa mga dahilan kung bakit unti-unti na rin akong naghihilom mula sa pamamaalam ni Papa. Hindi na kasing-hapdi katulad nang dati na hindi ko kayang gumawa ng kahit anumang gawain. Ang lunas sa bawat pait na nararanasan natin ay hindi lamang nanggagaling sa ating sarili o pananampalataya kundi galing din sa mga pamayanan na kinabibilangan natin. May kakayahan ang mga komunidad natin na tayo ay mapabuti at mapagaling at may kakayahan din tayo bilang miyembro nito na mag-ambag para sa ikakabuti nang lahat. Maaaring hindi nila alam kung gaano ko sila kinatutuwa o baka hindi rin nila ako lubusang kilala, pero masaya at nagpapasalamat ako sa tuwing nakikita ko sila. 


Anumang hugis at kulay mo, Pilipino ka sa tuwing pinipili mong maging Pilipino na tumutulong sa pag-angat ng kapwa mo at ng bayan mo.
5 1 vote
Article Rating

Related Posts

Categories: Sa Aming Wika

Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x