Unti-unti nang lumalamig ang paligid. Kasabay nito ang paghupa ng pag-iingay ng mga kalapit-bahay na animo’y ngayong araw lang nagkita-kita ang mga taong naroroon. Ngunit, mayroon din namang kapansin-pansing ingay na nangingibabaw sa hangin habang papalapit ka sa Agueda Kahabagan Compound na nanggagaling sa Unit 8. Mula sa labas ng kanilang pintuan, maririnig mo ang mga boses ng mga tagapagbalita sa telebisyon at sinisimulan nang ibahagi ang mga mahahalagang impormasyon para sa kanilang mga naghihintay na manunuod.

     Sa pagpasok mo sa loob ng Unit 8, bubungad sa iyo ang malaking litrato ng isang masayang pamilya na sadyang sinabit sa dingding ng sala nila na para bang malugod kang sinasalubong sa iyong pagdating. Hindi maitatanggi ang maaliwalas na pakiramdam mo, hindi lang dahil sa mga nakangiti at nagtatawanang mga tao mula sa nakasabit na larawan pati na rin ang nakakahumaling at kahanga-hangang disenyo ng kanilang mga upuan at lamesa na gawa sa solidong kahoy ng narra. May harang sa pagitan ng kanilang sala at hapag-kainan na gawa sa kapiz at kahoy. Mayroon pa silang aranya sa kisame na hugis araw na syang nagbibigay ng sapat na liwanag sa kanilang hapag-kainan.

     Sa lahat ng mga magagarbo’t nakaka-aliw na nakapaligid sa iyo, may tanawin na hindi tumutugma dito– ang lalaking nasa isang sulok ng hapag-kainan, si Isagani. Balingkinitan ang kanyang pangangatawan, may kahabaan na ang kanyang buhok na tumatakip na din sa kanyang mga mata at umabot na hanggang batok. Suot nya ang kanyang gusot-gusot at marungis nyang pantulog. Pilit niyang binubuting-ting ang isang parisukat na kasangkapan na nasa kanyang harapan. Makalipas ng ilang minuto, napaupo na lamang sya sa pagod.

     “Sa wakas!”, napabuntong-hininga nyang nasambit. Abala syang nagpupunas ng kanyang pawis nang biglang may tinig nang gumambala sa kanyang pag-iisa.

     “Okay na ba? Ano… Okay na?”, pahayag ng boses na nanggagaling sa kanyang inayos na laptop. Naningkit bigla ang mga mata ni Isagani habang mabilis na nagpunas ng kanyang mga mata.

     “Sandali lang. Teka, okay. Okay na”, sagot ni Isagani.

     “Naku, kumusta ka na dyan? Nami-miss na kita. Anong kinakain mo ngayon?”, tanong ng nag-aalalang tinig na kumakausap kay Isagani.

     Mapapansin mo ang pagliwanag ng mukha ni Isagani, kasabay ng mabilis na pag-guhit ng matamis nyang ngiti kahit na basang-basa na sya sa pawis.

     “Sinangag, bangus, itlog at kape, ‘Nay”, masigasig nyang sagot.

     Hinintay ni Isagani ang pagtugon ng kanyang Ina. Subalit napakunot-noo na lamang sya nang makita nyang halos sinasalamin ng itim na parisukat ang kanyang mukha. Naglaho na namang parang bula ang kausap nya. Marahil, may kaunti pang sira ang laptop na ito na kailangan nyang pag-ukulan pa ng ilang minuto.

     “Uso na nga ngayon ang tinatawag nilang driverless car o self-driving car na tiyak na bubulusok sa pagbaba ang bilang ng mga taong nagpa-planong mag-aral magmaneho ng kani-kanilang mga sasakyan”, ulat ng isa sa mga tagapagbalita.

     Pinakinggan nang mabuti ni Isagani ang sinasabi ng tagapagbalita habang nakatingin ito sa kanyang sirang laptop. Hindi nito mapigilang umiling-iling na may mga tingin na para bang nanunuya. Siguro, hindi lubos ang kanyang kumpyansa sa nabibigay na ginhawa ng teknolohiya sa panahon ngayon dahil sa bilis ng pagka-sira ng mga iilan ding kagamitang nabili na nya, katulad na nga lang ng hawak nya ng sandalling iyon.

     “Okay na ba? Ano… Okay na?”, nanumbalik muli ang tinig, kasabay ang paglitaw ng mukha ng kanyang Ina.

     “Sandali lang. Teka, okay. Okay na”, nagkakamot-ulong pag-sagot ni Isagani.

     “Naku, kumusta ka na dyan? Nami-miss na kita. Anong kinakain mo ngayon?”, tanong muli ng Ina ni Isagani na hindi na maikubli pa ang kanyang lubos na pagmamalasakit.

     “Sinangag, bangus, itlog at kape, ‘Nay”, masigasig pa din nyang sinagot.

     Walang bakas ng pagka-yamot sa mukha ni Isagani at patuloy nyang pinagmamasdan ang mukha ng kanyang ina. Sa maikling panahon, mabilis nang humaba ang kanyang buhok. Namumukod-tangi ang hubog ng kanyang kayungmangging mukha dahil sa mas marami na syang puting buhok sa ngayon. May mga bagong linya na din na banayad na naka-ukit sa kanyang noo. Gayun pa man, maaaninag mo pa rin ang likas nyang ganda.  

     “Wow, ang sarap naman nyan! Pagdating namin dyan, pagluto mo kami ha!”, pabirong sambit ng kanyang Ina.

     “Aba, syempre!”, malakas at nagmamalaking pagtugon ni Isagani.

     “Malinaw na ba ang boses ko dyan?”, tanong muli ng kanyang nag-aalalang ina. Kasabay nito ang pagdilim muli ng parisukat na aparato sa kanyang harapan.

     Nawala na naman ang kausap nya sa kanyang laptop. Sa pagkakataong ito, may mga makikitid na linya ng tubig ang tumakas mula sa mga mata ni Isagani. Minsan pa, hinayaan nyang gumalaw ang kanyang mga kamay sa layon na ayusin ang hindi na namang gumaganang laptop nito. Kasabay ng pamamaalam ng mga tagapagbalita sa telebisyon, ay maririnig mo ang kaluskos mula sa nagkukumpuning si Isagani.

     “Okay na ba? Ano… Okay na?”, nabuhay na namang muli ang tinig na nanggagaling sa kanyang parisukat na aparato.

     “Sandali lang. Teka, okay. Okay na”, tugon ni Isagani habang magkasabay nyang pinupunasan ang kanyang luha’t pawis.

     “Naku, kumusta ka na dyan? Namimiss na kita. Anong kinakain mo ngayon?”, makulit na pagtanong muli ng Ina ni Isagani na para bang ngayon lang nya ulit nakita at nakausap ang anak.

     “Sinangag, bangus, itlog at kape, ‘Nay”, pabulong na pagsagot ulit ni Isagani ngunit may katulad din syang tinig na sumasabay sa kanyang pagsagot na punong-puno ng sigla at saya.

     “Wow, ang sarap naman nyan! Pagdating namin dyan, pagluto mo kami ha!”, sagot ng kanyang Ina na para bang pinaglalaruan nya si Isagani sa paulit-ulit na pagtanong at pagtugon nya dito.

     “Aba, syempre!”, mahinang pagtugon ni Isagani ngunit kasabay ulit nya ang kaparehas nyang tinig ngunit ito ay mas malakas.

     “Malinaw na ba ang boses ko dyan?” tanong muli ng kanyang Ina. Marahil, ayaw na din nyang mawala ulit sa linya ang kanyang anak na lubos na nyang kinapananabikang makita’t makausap.

     “Malinaw na malinaw. Mabuti nga at mas maayos na ang audio nito,” pabulong na sagot ni Isagani. Subalit katulad ng mga pagtugon nya kamakailan lamang, may kapares syang tinig na ubod ng saya na syang nangingibabaw.

     “Tingnan mo itong aso namin”, wika ng kanyang tumatawang ina kasabay ng paglipat ng screen nito sa kanilang alagang aso.

     “Nakikita mo? Heto, naka-eating sitting position na. Ang lakas ng pang-amoy. Alam nyang kaluluto ko pa lang. Oh, sandali. May gustong sumingit.”, nagmamadaling ibinaling ng kanyang ina ang screen sa iba.

     “Anak, kumusta ka na dyan?”, tanong ng mababaw na tinig na nanggagaling naman sa kanyang Ama.

     “Mabuti naman ako, ‘Tay. Heto, medyo lumulusog na”, pabulong muli na sagot ni Isagani ngunit may taglay na kapal ang kanyang boses na para bang may maririnig kang dalawang magkaibang boses na sabay sumasagot. Kahit magkaparehas halos ang tono ng mga ito, mahahalata mo pa din ang kanilang pagkakaiba. Ang isa ay tila umaalingaw-ngaw nang may lubos na saya at halakhak sa dulo. Samantalang, ang isa ay ang kabaligtaran nito – walang gana at pabulong.

     Maaari kayang mangyari yun? Ito kaya ang bunga ng nasobrahan na sa pagod dahil sa maka-ilang ulit nyang pagkumpuni ng kanyang siraing laptop? Dalawang klaseng boses ang lumalabas mula sa iisang tao? Guni-guni nya lang ba ang mga ito? Marahil, tanging ang tao lang na nakaharap sa laptop na iyon ang nakakaalam nang kasagutan.

     “Wag mong kalimutang mag-ehersisyo”, bilin ng kanyang Ama habang nagmumustra ito ng tamang paraan ng pagsuntok para gisingin ang inaantok nyang mga bisig. 

     “Kailangan yan ng katawan natin”, dagdag pa niya kasabay ng pagpunas nito ng pawis. 

     “Malapit na kaming makauwi dyan. Magkita-kita din tayo.”, nananabik na paalala ng kanyang Ama.

     “Sige, maya-maya mag-eehersisyo din naman ako pagkatapos ng mga gawain ko. Ay, bad trip! Mabilis nga pa lang ma-low batt ang laptop ko na ‘to. Teka, i-charge ko lang muna.”, dali-daling pinatay ni Isagani ang kanyang laptop at sabay na rin nyang isinaksak ang plug nito.

     Isang mahigpit na yakap mula sa kanyang likod ang gumulat sa kanyang pag-iisa sa hapag-kainan. Kasabay nito ang preskong malamig na hangin na umihip mula sa bintana papasok sa kanilang bahay kung saan naroroon si Isagani. Marahil, ito ay nagbabadya na ng pag-ulan matapos ang sukdulang init sa buong maghapon.

     “Pinanood mo ulit?”, mahinang tanong ng nag-aalalang tinig na nanggagaling sa kanyang likuran. 

     Lumingon si Isagani upang tingnan ang mga mata ng taong pinanggalingan ng tinig. Nakita nya ang kanyang mapagmahal na asawa, si Mutya na hindi pa bumibitaw sa pagkakayakap nito sa kanya. Ilang minuto na ding pinagmamasdan ni Mutya ang kanyang asawa habang maka-ilang beses na nitong kinukumpuni ang nagloloko nyang laptop.

     “Balot.. Balot.. Balot kayo dyan.”, sigaw ng mambabalot sa labas na kadalasa’y sa ganitong kalaliman ng gabi naglalako ng kanyang paninda sa mga kabahayan. Panandaliang nalipat ang pansin ni Mutya sa mambabalot, nagdadalawang-isip kung bibili ba sya nito para sa kanyang asawa nang sa ganun ay manumbalik ang kanyang lakas at sigla.

     “Balot.. Balot.. Pampa-tibay ng tuhod. Pampa-tibay din ng loob”, sigaw muli ng mambabalot na para bang naglalagay na ng kakaibang tono sa bawat pantig ng kanyang nilalako. Ang kanyang natatanging tinig ang nagsisilbing hudyat ng kanyang pagdating para sa iba’t-ibang sulok ng kalye na yun. Dala-dala ni Manong Mambabalot ang isang payak at lumilibot na konsiyerto, sa madilim na kalsadang nagsisilbing entablado nya para sa mga taga-panuod at taga-pakinig na nagtatago.

     “Pampa-tibay ng loob?”, bulong ni Isagani sa kanyang sarili. 

     Nagkaron siya ng ilang minuto para makapag-isip at mabigyan ng tugon ang tanong mula sa kanyang asawa na karaniwan ay gusto nyang takasan at hindi na lamang pagtuunan ng pansin. 

     Ngunit sa pagkakataon na yun, nakaramdam sya ng pangangailangan na tudlukan na ang mga parating nakabiting mga palaisipan na naghahanap ng sapat na pagpapakahulugan. Mahahalata mo na rin ang balisang mga kamay ni Mutya na nakayakap sa kanya habang naghihintay ng kanyang isasagot. Palihim na hiniling ni Isagani na ang pagsagot nya dito ay huwag sanang mahalintulad pa sa isang bugtong na kalimitan ay humihingi pa ng karugtong.

     Buo man ang loob nyang bigyan ng sagot ang asawa, minabuti niya na lamang iwasang harapin at tingnan ang mga mata ni Mutya habang pabulong nyang ipinahayag ang kanyang nag-aalangang saloobin. 

     “Oo eh. Hindi kasi ako makatulog”, mahinang pag-amin ni Isagani.

     “Tatlong linggo mo na kasing pinapanuod yang video na yan nang paulit-ulit. Nagagawa mo na ngang sabayan ito. Nag-aalala na ako kasi tatlong linggo ka na ding kulang sa tulog. Baka tuluyan ka na nyan magkasakit. Hindi mo rin dapat pabayaan ang sarili mo”, nangangaral na pinaalala ni Mutya sa kanyang asawa.

     “Ang.. hi..hirap din ka..sing tanggapin”, sagot ni Isagani kasabay ng mga hikbi na hindi na nya maitago sa kanyang Maybahay.

     “Balot.. Bili na mga suki.. Wag nang malungkot.. Ikain mo na lang yan ng balot..”, sumabad na alok ng Naglalako sa labas.

     Nagka-tinginan ang mag-asawa at sabay napatawa sa di inaasahang pahayag ni Manong Mambabalot. Hindi mo alam kung naririnig ba nya ang usapan ng mag-asawa sa loob ng kanilang bahay o nakainom sya ng alak bago maglako ng kanyang binebentang produkto.

     “Mukhang nagkaka-intindihan na kayo nang husto ni Manong Mambabalot”, mabungisngis na kantyaw ng asawa.

     Pinakawalan ni Mutya ang mahigpit na pagkakayakap nito sa kay Isagani. Patakbong sumugod sa sala at dumiretso sya ng tingin sa bintana at hinanap kung nasaan na ang mambabalot subalit, anino na lamang nya ang kanyang nakita. Palayo na ito sa kanilang bahay at paliko na din sa kabilang kalye. 

     Kumuha na lamang si Mutya ng upuan at ini-usod ito kalapit ng kanyang balisang asawa. Napatitig ito nang sandali sa malaking larawan ng kanilang pamilya na nakapwesto sa kanilang maluwag na sala at bumaling pabalik ang tingin nya sa kanyang kalapit na pilit pinipigilan ang paghikbi.

     “Masakit din para sa akin ang nangyari. Masyadong mabilis. Sa isang saglit, iniwan na nila tayo. Mahirap din tanggapin”, malungkot na tugon ni Mutya kasabay ng pagpunas na rin ng kanyang mga nag-uunahang luha.

     Nadaanan ng tingin ni Mutya ang laptop na kinukumpuni ni Isagani. Natawa na lamang sya dahil dito at biglang napabuntong-hininga nang malakas.

     “Nakakatawa itong mga gadgets na pinagbibili natin, no? Naaalala ko din yung isang phone ko. Grabe! Ang mahal ng binayad ko, magkaron lang nun tapos masisira’t-masisira din pagkatapos ng halos dalawang taon. Nakakapanghinayang din. Para kang na-scam”, bulalas ni Mutya.

     Labis ang pag-eengganyo ng mga patalastas sa mga makabagong gadgets sa ngayon. May kakaibang hatak na nagagawa ito sa kamalayan ng bawat tao na hihigit pa sa kadahilanang, ito ay nauuso o makakapagbigay sayo ng panandaliang kasikatan bilang isa sa mga iilang mga taong kayang makabili nito.

     Ang pakiramdam na may kontrol tayo, ang dagdag kakayahan natin na sa isang mabilisang pagpindot ay makukuha mo na kung anuman ang gustuhin mo – ang nangingibabaw na dahilan pa din ng karamihan. Sino nga bang tao ang tatanggi sa ganun? Sino nga ba ang aayaw makaisip ng paraan para gawing madali ang mga araw-araw na tungkulin at kung papalarin, makakuha pa ng karagdagang oras na pwede mong gamitin para sa iyong pagpapahinga?

     Tahimik na nakikinig si Isagani. Hindi pa rin nito inaalis ang pagkatitig nya sa kanyang laptop na syang nilalarawan ni Mutya.

     “Isagani, hindi natin kontrolado ang nangyari sa kanila – kahit na nagawa na natin lahat ng ating makakaya”, mabilis na ipinahayag ni Mutya.

     Napatitig si Mutya nang matagal kay Isagani. Hinaplos nya nang marahan ang kamay ng kanyang asawa habang ito ay nag-iisip nang malalim.

     “May spoiler ako para sayo”, pabulong na sagot ni Mutya.

     “Kung pelikula, libro o TV series man ito, alam ko na ang ending nito. Magkakasama-sama din tayong lahat. Yung tipong bubukas ang langit, tutugtog ang mosiko para salubungin tayo sa isang malaking pagsasalo. Magtatawanan at magku-kwentuhan tayo ng mga nangyari sa atin. Baka nga makipagsayawan ka pa nga dun e. Walang duda yan. Yan ang alam kong sigurado. Pero wag ka naman magmadali pumunta dun. Nandito pa tayo e. Nandito ka pa, buhay na buhay”, pangaral na sagot ni Mutya.

     “Masakit pa din. Kung peptalk man ‘to, hindi na ito tumatalab sa akin”, mapagmatigas na tugon ni Isagani.

     “Hindi naman kita minamanduhan na tigilan ang pagdadalamhati sa kanila. Kung gusto mong umiyak, iiyak mo lahat yan hanggang sa maubusan ka na ng luha. Kung gusto mong sumigaw, sige isigaw mo lahat yang sa loob mo hanggang sa mamaos ka. May nawala e, kaya nandyan lang parati yung sakit. Pero Hon, buhay ka pa. Sapat na yun na dahilan para magpatuloy” sagot ni Mutya.

     “Nakaka-konsensyang maging masaya. Parang kasama ding nasunog yung saya ko at dahilan para magpatuloy”, malungkot na tugon ni Isagani.    

     “Yan ang siguradong magpapalungkot sa kanila. Alam mo ba kung ano ang higit na makakapagpasaya sa kanila?”, tanong ni Mutya.

     “Huh? Ano?”, tanong ni Isagani.

     “Ang alagaan mo ang pinakamahalaga sa kanila”, sagot ni Mutya.

     “Katulad ng lupa nila sa probinsya? Yung bahay ba at titulo nito?”, tanong ni Isagani habang naglilista na sya sa kanyang isip ng mga dapat gawin at asikasuhin.

     “Wala pa talaga akong sapat na lakas para asikasuhin ang mga affairs na naiwan nila. Kailangan ko pa ng kaunting panahon para maayos ang mga yan.”

     “Huh? Ikaw. Ikaw kaya ang pinakamahalaga sa kanila. At syempre, ang makita kang masaya sa kabila ng lahat”, nagkakamot-ulong sagot ni Mutya.

     “Bago mo bigyan ng panahon ang mga bagay na yan, unahin mo muna ang sarili mo. Hindi rin makakatulong kung lumulutang o lumilipad ang isip mo habang inaasikaso mo ang mga gawain na yan.”

     “Unti-unti, makakayanan mo din yan – makakayanan din natin yan. Malalagpasan din natin ito. Makakaraos ka din mula sa nangyari. Siguro, mas makakabuti kung huwag mo nang ikahon ang saya mo na dapat andyan sila na nayayakap mo pagdating ng Pasko, Bagong Taon, Kaarawan nila, bakasyon sa iba’t-ibang magagandang lugar, ang kakulitan nila’t mga kakaibang halakhak kahit corny naman ang jokes nila – lahat ng mga pagkakataon na sana, kasama natin sila na darating at magdo-doorbell sa pintuan ng bahay natin at makikita mo’t mahahagkan. Mahirap ito gawin, may kirot pa din, pero hindi imposible.”, paalala ng nagmamalasakit na asawa ni Isagani.

     “Pero huwag mo ring kakalimutan na dahil sumakabilang-buhay na sila at kahit hindi mo nakikita, kasa-kasama mo lang sila palagi. Kung nag-iisa ka sa isang lugar, kausap-usapin mo pa rin. Kung may mga tao namang nakapaligid sa iyo at tiyak hindi rin talaga maiiwasan, kausapin mo sila nang taimtim na para kang nagdadasal nang tahimik. Naririnig ka nila. Kasama mo pa rin sila kahit ni-anino nila ay wala kang nakikita. Manalig ka lang doon. Maniwala ka. Hindi namamatay ang pagmamahal nila sa iyo. Yan lang ang hindi kayang patayin ng kahit anong sakit o unos”, dagdag pa ni Mutya habang hinahaplos nang marahan ang likod ng asawa.

     “Sana… alam nila… kung gaano ko sila kamahal”, tugon ni Isagani.

     “Ay sus, naman. Alam nila yan. Yun ba ang pino-problema mo? Yan ba ang sobrang kinalulungkot mo? Idagdag mo pa yung mga bagay na ginawa mo para sa kanila na hindi na nila alam o hindi mo na pinaalam. Hon, may nagre-report na tungkol dun para sa kanila sa Itaas”, sagot ng asawa nitong si Mutya.

     “Kung alam ko lang na yun na ang huli naming pag-uusap, sana hindi ko muna binalikan ang trabaho ko, kahit buong araw kaming magkwentuhan. Kung alam ko lang na yun na ang huling sandal nila, e di sana mas marami pa akong nagawa para iparamdam ko na mahal ko sila at mahalaga sila sa akin”, umiiyak na sagot ni Isagani habang sinusuntok ang inuupuan nito.

     “Naiintindihan kita dyan. Wala, kahit sinuman ang nakakaalam kung kailan ang oras natin. Kahit kumuha ka pa dyan ng pinakamagaling na manghuhula at itanong mo yan, kahit sila hindi makakapagbigay sa iyo ng kasagutan. Kaya naman, hindi rin makatarungan na parusahan mo ang iyong sarili sa mga bagay na wala kang alam. Hindi wasto na pagdiinan mong ipasan ang buong mundo sa mga bagay na hindi mo alam na mangyayari. Tahan na, Hon. Kahit sa kabilang-buhay, wala silang isinisisi sa iyo. Maniwala ka dyan”, paalala ng Maybahay ni Isagani.

     “Salamat, Hon. Saan na lang kaya ako pupulutin kung wala ka sa tabi ko? Hindi ko ito kayang haraping mag-isa”, sambit ni Isagani habang pinupunasan nya ang kanyang mga luha. 

     Napatitig siya nang matagal sa kanyang asawa. Mapapansin mong unti-unting lumiliwanag ang mukha ni Isagani habang binabalik-balikan nya ang mga naunang pahayag ni Mutya.

     “Alam ko din naman yan. Hindi lang ako magaling magsalita, Hon”, banat ni Isagani na may halong pagbibiro sa kanyang asawa.

     “E kasi naman, paano mo magagawang sabihin yung mga bagay na iniiwasan mo namang maramdaman?”, tanong na may kasamang pang-uuyam ni Mutya.

     “Kaya nga Hon, naimbento ang alak!”, sagot ni Isagani na hindi na ring napigilang humalakhak sa dulo.

     “Bumabalik na yung Isaganing kilala ko a. Namimilosopo ka na e”, masayang pagtugon ni Mutya.

      “Kahit ikaw ang butihin kong asawa na sobrang tigas ng ulo’t at sukdulan ang kakulitan, gets ko naman na hindi pantay ang tindi ng pagdadalamhati natin. Mas ramdam mo yung pighati panigurado kung ihahambing sa akin. Syempre, mga magulang mo yun. Sila ang kasa-kasama mo nang matagal e. Kaya naman, may mga bagay kang kailangang harapin nang mag-isa. Nasa tabi mo lang ako parati pero ikaw at ikaw pa rin ang haharap sa mga ito.”

     Bagama’t hindi na maiiba ang mga nangyari, nakayanang makatulog nang mahimbing ni Isagani nung gabing yun. Kauna-unahang beses sa pinakamaraming nagdaang gabi na balisa sya at maya’t mayang gumigising at pipiliting matulog namang muli. Siguro, naniningil nang kusa ang katawan nito mula na din sa ilang araw na kapos sya sa pahinga.

     Sa pagmulat ng mga mata ni Isagani, bungisngis ng asawa niya ang una nyang narinig. Kung mayroon man syang dahilan para bumangon sa kakaibang umaga na yun, ito ay ang marinig ang nakakahawang tawa ni Mutya na para bang naghihintay nang makipagbatuhan ng kantyaw sa kanya. 

     Totoong nakakabagot ang puro lungkot. Ngunit, nakakabagot din ang puro saya. Mauumay ka dahil nawawala na ang pagkagulat na karaniwang gigising sa iyo. Ang pabago-bagong paggalaw ng damdamin ng tao ang sya na yatang pulsong nagsasabing buhay pa tayo.

     “Parang may katabi akong motorsiklo kagabi, ang ingay! Pinapara ko na nga e, para huminto pero ayaw talaga. Akala ko hindi na ako makakatulog!”, paunang-banat ng pang-aasar ni Mutya.

     “Ganun ba? Sorry naman, Hon. Nasa Timbuktu na ako ng mga oras na yun”, natatawang sagot ni Isagani.

     “Nag-message nga pala ang Kumpare mo kanina. Sabi nya, dadaan daw sya dito para sabay-sabay na kayong mag-almusal”, paalala ni Mutya.

     “Kayo? Bakit, hindi ka ba sasama sa aming mag-almusal?” nalilitong sinagot ni Isagani.

     “May mahalagang lakad kasi ako ngayon. Hindi na ako makakasabay pa sa inyong dalawa. Nagluto naman na ako. Nakahanda na rin dito. Mas maigi na rin siguro na maligo ka na,” nagmamadaling sagot ni Mutya.

     “Sige, para mawala na rin ang antok ko”, sagot ni Isagani.

     “Nakasalang na din yung kape mo dito. Kumuha na lang kayo”, bilin ni Mutya.

     Parang libo-libong mga karayom ang tumutusok sa balat ni Isagani sa paliligo, gamit ang malamig na tubig sa umaga. Napatalon pa din sya sa lamig kahit na pinipihit nito nang dahan-dahan ang shower nila sa banyo. Napatawa na lang sya nang hindi nya na maalala kung kailan sya huling naligo. Ilang minuto pa at nakakaaliwan na nito ang preskong malamig na tubig na para bang tumutunaw sa makapal na pagkakabalot nya sa lungkot, na sinapit nya nung mga nakaraang linggo. Nakuha pa nitong kumanta ng kanilang paboritong awitin ni Mutya nung sila ay magkasintahan pa lamang. 

     Napangiti sya nang husto nang mapagtanto nya kung gaano sya kapalad maging kabiyak si Mutya. Kung ihahalintulad sa ibang kababaihan, napansin din nya agad ang taglay na kaibahan ni Mutya sa kanila. Bukod pa sa kanyang kabutihang-loob, hindi mapanghusga at sadyang mapagmahal at masayahin, may angking likas na ganda ang kanyang asawa. Mula sa mapupungay nyang mga mata na parang laging nangungusap bago pa man sya makapagsalita, sa mga matatamis nyang ngiti na nakakakalma hanggang sa kanyang pinagmamalaking kayungmangging kutis na pati mga dayo sa kanilang lugar ay hindi maiwasang lumingon para lang masilayan sya. 

     Dahil mas matagal silang naging magkaibigan bago nagkahulugan ng loob, napapaisip si Isagani ng mga oras na yun na sana naligawan nya nang husto si Mutya kagaya ng mga nakikita nyang ginagawa ng mga kalalakihan sa mga pelikula’t teleserye na pinapanuod nilang dalawa. Hangad pa rin nya na pa-ulanin si Mutya ng kahit anumang gustuhin nya, mapa-luho man ito o kahit anong bagay na makakapag-pasaya sa kanya. Subalit, natatangi si Mutya. Hindi sya naniniwala sa panliligaw at hindi rin sya sumasang-ayon sa pagpapatagal ng panliligaw para lamang mapasagot sya.

     “Ano ka ba? Magtaka ka kung pinapatagal ko. Iisa lang ang ibig sabihin nun at yun ay pinipilit kong gustuhin ka. Bakit pa kita pahihirapan e kilala na kita. Alam ko na lahat ng ugali mo o lahat ng tungkol sa iyo”, natatawang tugon ni Mutya sa harap ni Isagani na halos hindi makapaniwala sa narinig nyang mabilis na pagtanggap sa kanya ng kanyang dating matalik na kaibigan. 

     Isa ito sa mga pinakamasayang araw nya na kapiling si Mutya dahil sa unang pagkakataon masasabi na rin nya sa buong mundo na sya ang kasintahan nya.  

     Sa tagal ng kanilang pagsasama, ni minsan hindi sya natakot ipakita ang tunay nyang sarili. Hindi sya nagdadalawang-isip kung ikakahiya ba sya ni Mutya sa mga panahong nanghihina sya dahil lubos ang tiwala ng kanyang Maybahay sa kanyang kakayahan. 

     Ding-dong. Ding-dong. Ding-dong.

     Biglang nagambala sya sa kanyang pagbabalik-tanaw ng kanilang pagsasama ni Mutya nang may narinig syang nagdo-doorbell. Mukhang nakaalis na ang kanyang Misis at kailangan sya na ang magbukas ng pinto.

     Dali-dali nyang kinuha ang kanyang twalya at patakbong dumiretso sa kanilang pintuan para pagbuksan ang kanyang bisita.

     “Pare, kumusta na?”, masayang pagbati ni Lito, ang matalik na kaibigan ni Isagani. Halos pamilya na din ang turingan nila sa isa’t-isa.

     “Tuloy Pre.. Sorry, nakaalis na kasi si Misis. May lakad daw. Ewan ko ba dun may hinahabol yata. Magbihis lang ako nang mabilis. May pagkain na dyan,” nagmamadaling bumalik sa kwarto si Isagani.

     Kapansin-pansin ang pag-aalala na bumalot sa mukha ni Lito. Napakunot-noo na lamang ito at para bang nagpipigil magsalita. Nagpasya na lamang syang umupo sa sala para hintayin ang kaibigan.

     Wala pang sampung minuto, nakabalik na si Isagani sa sala para asikasuhin ang kaibigan. Nagulat na lamang ito nang makita nyang nakasimangot nang husto si Lito at para bang may malalim na iniisip.

     “Pre, bakit ka pa nandyan sa sala? Halika na, dun na tayo sa dining”, sagot ni Isagani habang naglalakad sya papuntang hapag-kainan.

     Halos lumuwa ang mga mata ni Isagani sa pagkagulat nang makitang wala ni-isang pagkain ang nakahain sa lamesa. Naaburido at nalito sya nang husto habang inaalala ang mga sinabi ng kanyang asawa bago ito umalis kanina. Para syang naputulan ng dila’t hindi sya makapagbigkas ni-isang salita sa kaibigan.

     “Ayos lang pre. Nagreply naman ako sayo kanina na ako ang bahala sa almusal natin. Hindi ka na dapat mag-abala pa”, sagot ni Lito.

     “Nagreply ba kamo?” tanong ni Isagani.

     “Oo, nagtext ka na sabay na lang tayo mag-almusal dito sa bahay nyo”, sagot ni Lito.

     “Sabi kasi ni Mutya, nagtext ka raw nung natutulog ako”, sagot ni Isagani.

     Tiningnan ni Lito nang mabuti si Isagani. Inangat nito ang kanyang kamay at tinapik ang balikat ng kanyang kaibigan. Huminga sya nang malalim at bumaling ang tingin kay Isagani.

     “Pinanood mo ba ulit?”, nag-aalalang tanong ni Lito.

     “Ang alin? Yung video call namin? Oo, kagabi”, sagot ni Isagani.

    “Pinanood mo ba lahat? Pinanood mo ba hanggang sa huli?” nagsusuring-tanong ng kaibigan.

     “Oo, syempre naman”, sagot ni Isagani.

     Dali-daling nagpunta sa kwarto si Lito. Hinahanap nito ang laptop na ginamit kagabi ni Isagani. Nang makita nya ito sa ilalim ng kama, kumaripas ito nang takbo pabalik kay Isagani sa hapag-kainan.

     “Heto pre, may baterya pa.”, sagot ni Lito.

     “Laging nagloloko ang baterya ng laptop na yan”, pagalit na sagot ni Isagani.

     “Hindi P’re, bagong bili mo ito. Magkasama tayo nung binili mo ito. Walang sira ito P’re.” Sagot ni Lito

     Napatingin nang matagal si Lito sa kanyang kaibigan. Napakamot sya ng batok at hindi malaman kung saan mag-uumpisa.

     “Pre naman, hindi mo pinanood lahat. Naka-pause e.” sagot ni Lito.

     “Nagloloko na yang laptop na yan. Ilang beses ko yan kinukumpuni kagabi!”, pasigaw na sagot ni Isagani.

     “Halika Pre, sabay natin panuorin itong video call nyo”, sagot ni Lito sa kanyang naaaburidong kaibigan.

     Pinindot ni Lito nang kaunti ang rewind button atsaka nya pinindot ang play para mapanuod ang natitirang bahagi ng kaisa-isang recorded video call ng kaibigan sa kanyang pamilya.

Nay: Tingnan mo itong aso namin. Nakikita mo? Heto, naka-eating sitting position na. Ang lakas ng pang-amoy. Alam nyang kaluluto ko pa lang. Oh, sandali. May gustong sumingit.

Tay: Anak, kumusta ka na dyan?

Isagani: Mabuti naman ako, ‘Tay. Heto, medyo lumulusog na.

Tay: Wag mong kalimutang mag-ehersisyo. Kailangan yan ng katawan natin. Malapit na kaming makauwi dyan. Magkita-kita tayo.

Isagani: Sige, maya-maya mag-eehersisyo din naman ako pagkatapos ng mga gawain ko. Ay, bad trip! Mabilis nga palang ma-low batt ang laptop ko na ‘to. Teka, i-charge ko lang ulit.

Tay: Sandali, sandali lang. Wag mo munang ibaba. May sasabihin pa yung Misis mo.

Mutya: Hoy, nakakainis ka! Hindi mo talaga ako kakausapin ha! Puro trabaho na naman yang inaatupag mo. Gusto mo na agad bumalik sa ginagawa mo? Ilang minuto pa lang kayo nag-uusap nila Nanay at Tatay ah!

Isagani: Hindi naman. Medyo pa-low batt na kasi ito.

Mutya: Baka may dine-date ka na dyan ha! O baka china-chat! Baka mine-message ka ngayon kaya gusto mo nang tapusin itong tawag na ito. Lagot ka sa akin! Sabi ko kay Lito bantayan ka nang husto!

Isagani: Tama ka, may dine-date nga ako dito. Si Lito… Hahahaha! Naka-bakasyon sya e kaya dumadalaw nang madalas dito sa bahay. O diba, ang sweet?

Mutya: Pauwi na din kami nila Nanay at Tatay bukas. Naayos ko na din lahat para mas komportable ang pag-uwi namin. Kung wala ka sanang deadline ngayong week, sana tayong dalawa ang sumundo sa kanila. Anyway, kumakain ka ba nang maayos dyan?

Isagani: Oo naman. Puro drive-thru at pa-deliver nga lang kadalasan.

Mutya: O sige, mag-aayos pa ako ng iba ko pang gamit. I love you. See you soon.

Isagani: I love you. Sana hindi ka pinapagod at kinukulit ng mga matatanda dyan.

Mutya: Grabe sya. Tatanda ka rin, no? Hahahaha, okay naman sina Nay at Tay. Kayang-kaya ng powers ko ang kakulitan nila. O sya, sige na. Charge mo na yan.

     Dahan-dahang nilapat sa lamesa ni Lito ang bagong-biling laptop at binaling ang tingin sa kaibigan. Nabalot ng lungkot at pagkalito ang dalawa at parehas nag-aalangan kung sino ang unang magsasalita. Naglakas-loob na lamang si Lito na basagin ang nakakabinging katahimikan nilang dalawa para mapaliwanagan nang mabuti ang kaibigan.

     “Pre, alam kong hindi ito madali sayo pero kasama si Mutya sa mga namatay mula sa pag-crash ng eroplano na sinasakyan nila pabalik dito sa Pinas”, paliwanag ni Lito sa kanyang kaibigan.

     Pinili na lamang ni Isagani ang manahimik at hindi na lang sagutin ang kaibigan nito. Nanghihina ang mga tuhod nya sa kanyang narinig kaya minabuti na lamang nyang umupo. Nahihirapan syang makahinga. Kailangan nyang pakalmahin ang sarili nya. Ipinikit nya ang kanyang mga mata. Ang alaala ng Misis nya ang agad nyang nakita at hindi sya maaaring magkamali na kasa-kasama nya ito hanggang kaninang paggising nya. Maaaring totoo nga na kasama sya sa mga nasawi sa eroplanong yun pero hindi nya maitatanggi na nakita, nakausap, nayakap at nakasama nya ang kanyang Maybahay.

     “P’re, sa tingin ko din baka dala na rin ng gutom yan. Tara, kumain na lang tayo sa labas. Ako naman ang taya”, sagot ni Lito sa kaibigan.

     Tahimik pa din si Isagani habang binabalikan lahat ng mga nangyari. Dahan-dahan syang tumayo at dumiretso sa pintuan ng kanilang bahay kung nasaan naghihintay ang kaibigan.

     “Ano, ready ka na?”, tanong ni Lito.

     “Teka, P’re. May nakalimutan pala ako”, sagot ni Isagani.

     Kahit may iniintinding mga bagay na hindi tumutugma sa sinasabi ng kanyang matalik na kaibigan, dali-daling hinanap ni Isagani ang susi para maayos nyang maisara ang kanilang bahay bago sya sumamang mag-almusal sa kaibigan. Hinanap nya ito sa kanilang kwarto. Sa sala. Sa silid-kainan. Ngunit hindi nya ito nakita. May isang lugar na lamang syang hindi pa nahahanapan, kaya dumiretso na lamang sya sa kusina.

     Halos lumabas ang puso nya sa bilis ng pagtibok nito nang makita nya ang susi ng kanilang bahay na kalapit sa nakasalang at nakasaksak nilang coffee maker. Nandoon din ang kanyang smartphone. Para sa kanya na bagong-gising kanina at lubos na inaantok pa, ni-minsan hindi nya ugali ang dumiretso ng kusina para maghanda ng kape. Nakatitiyak sya na nanggaling dito sa Mutya.

     “Pre, tara na. Gutom na ako”, sagot ni Lito na naiinip nang naghihintay sa kaibigan.

     Lumabas ng kusina si Isagani habang nakatutok ang mga mata nito sa kanyang phone. Halatang balisa siya habang may hinahanap dito.

     “Sandali lang, Pre”, naiiritang sagot ni Isagani.

     Dali-dali nitong tiningan ang pinakahuling mensahe na naka-record dito.

     “Ano Pre, ready ka na ba?”, tanong ni Lito sa kaibigan. Maigi nang maging makulit para walang makalimutan sa kanilang pag-alis.

     Tumambad sa mga mata ni Isagani ang huling mensahe na ito na naka-record mula sa kanyang phone:

(Isagani)

Almusal tayo dito sa bahay

(Lito)

Sige Pre Ako bahala sa almusal

     Gumuhit ang mga ngiti sa labi ni Isagani. Napahinto ito nang sandali at hinawakan ang kanyang phone nang mahigpit, palapit sa kanyang dibdib. Napatingala sya sa langit at ipinikit ang mga mata nang ilang sandali. Nang iminulat nya ang mga ito, hinarap nya ang kanyang kaibigan nang may payapa sa kanyang mga mata atsaka nyang itinugon nang mahinahon at buong-buo,

     “Oo, Pre. Handa na ako!”

 

5 1 vote
Article Rating

Related Posts

Categories: Sa Aming Wika

Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x